Ang Tehrik-e Taliban Pakistan (TTP) ay isang teroristang organisasyong nakabase sa Pakistan at Afghanistan na binuo noong 2007. Layunin ng TTP ang mapaalis ang pamahalaan ng Pakistan sa probinsya ng Pakhtunkwa (pormal na tinatawag na Federally Administered Tribal Areas) at magtatag ng batas na Sharia sa pamamagitan ng mga gawang terorismo. Kinukuha ng TTP ang gabay sa ideolohiya mula sa al-Qa’ida (AQ), habang bahagi ng mga elemento ng AQ ay nakadepende sa TTP para sa ligtas na kanlungan sa mga lugar na nasa hanay ng hangganang Afghanistan-Pakistan. Ang kaayusang ito ay nagbigay sa TTP ng akses sa parehong pandaigdigang network ng terorista ng AQ at sa kadalubhasaan sa operasyon ng mga miyembro nito.
Ang TTP ay nagsagawa at umamin ng responsibilidad sa maraming gawang terorismo laban sa mga interes ng Pakistan at Estados Unidos, kabilang ang pagpapatiwakal na pag-atake noong Disyembre 2009 sa isang base militar ng Estados Unidos sa Khost, Afghanistan na pumatay sa pitong mamamayan ng Estados Unidos, pati na rin ang pagpapatiwakal na pagbomba laban sa Konsulada ng Estados Unidos sa Peshawar, Pakistan na pumatay sa anim na mamamayan ng Pakistan. Ang TTP ay pinaghihinalaang sangkot sa pagpatay sa dating Punong Ministro ng Pakistan na si Benazir Bhutto noong 2007. Iniutos at pinangasiwaan ng TTP ang nabigong pagtatangka ni Faizal Shahzad na pasabugin ang bomba sa Times Square ng Lungsod ng New York noong Mayo 1, 2010.
Noong Setyembre 1, 2010, itinalaga ng U.S. Department of State ang TTP bilang isang Foreign Terrorist Organization (Banyagang Teroristang Organisasyon) sa ilalim ng seksyon 219 ng Immigration and Nationality Act, ayon sa pagkakaamyenda nito. Bilang resulta, ang lahat ng ari-arian, at mga interes sa ari-arian ng TTP na sumasailalim sa hurisdiksyon ng Estados Unidos ay hinarang, at ang mga mamamayan ng Estados Unidos sa pangkalahatan ay pinagbabawalang makibahagi sa anumang mga transaksyong nauugnay sa TTP. Isang krimen ang sadyang pagbibigay, o pagtatangka o pakikipagsabwatan upang magbigay, ng materyal na suporta o mga mapagkukunan sa TTP.