Ang Rewards for Justice ay naghahandog ng gantimpalang hanggang $10 milyon para sa impormasyong mauuwi sa paggambala sa mga mekanismong pampinansyal ng teroristang organisasyong al-Shabaab. Ang mga pinansyal na operasyon at pangangasiwa sa mga network ng al-Shabaab ay nakakatulong sa pagpapanatili ng mga operasyon nito at pagpopondo sa mga teroristang pag-atake nito na nagresulta sa libu-libong pagkamatay ng mga inosenteng sibilyan at mga puwersang panseguridad sa Somalia at mga karatig na bansa.
Sangkot ang al-Shabaab sa mga tradisyonal na pamamaraan ng pagpopondo sa mga terorista, kabilang ang panunuhol, pangingikil, hawala na paglipat ng pera, pagdukot para sa ransom, paglilinis ng pera, at mga personal na tagapagpadala, ngunit nakapagbuo rin ito ng sarili nitong mga pinagmumulan ng pagpopondo at lalong naging malaya sa panlabas na pag-iisponsor. Kabilang sa mga pinakabagong pinagmumulan ng pagpopondo nito ang pangingikil sa mga matatanda, negosyante, at magsasaka; pananamantala sa pagkalakal ng mga gamit nang sasakyan para sa ikapakikinabang nito; mga mobile na paglipat ng pera, at pagnanakaw ng mga pinalalaking hayop ng mga pastoralista. Sa pamamagitan ng pagpapalawak ng kanilang teritoryo, sangkot din ang al-Shabaab sa mga ilegal na aktibidad, tulad ng ilegal na pagmimina at kalakal/ilegal na pag-aangkat ng mga bagay na tulad ng uling, heroina (na ibinebenta naman nito sa mga grupong kriminal), garing, pinalalaking hayop, at asukal. Nagpapataw rin ang al-Shabaab ng mga buwis sa mga indibidwal, negosyo, pirata, atbp., at nangongolekta ng mga toll, singil, at buwis sa mga produkto at lupang pang-agrikultura.
Naghahandog ang Department of State ng mga gantimpala para sa impormasyong mauuwi sa pagtukoy at paggambala sa:
– pinakamahahalagang pinagkukunan ng kita ng al-Shabaab (hal., pangingikil at pagbubuwis, ilegal na pag-aangkat ng kontrabando, at pagkalakal ng mga sandata at droga)
– pananamantala sa mga lokal na likas na yaman ng al-Shabaab (hal., pagputol ng mga troso ng puno, pagmimina, at ilegal na pag-aangkat)
– mga pinansyal na kontribusyon ng mga donor at mga pinansyal na tagapamahala sa al-Shabaab
– mahahalagang transaksyon ng mga pinansyal na institusyon at paggamit ng mga tagapagkaloob ng serbisyo sa pera para maglipat ng mga pondo at ma-access ang internasyonal na sistemang pinansyal sa ngalan ng al-Shabaab
– mga negosyo o pamumuhunan na pag-aari o kontrolado ng al-Shabaab o mga tagapinansya nito
– internasyonal na aktibidad ng mga pangharap na kumpanya na may kaugnayan sa al-Shabaab, na sangkot sa mga pinansyal na transaksyon sa ngalan nito (hal., pangangalakal ng mga gamit nang sasakyan)
– mga kalakarang kriminal na kinasasangkutan ng mga miyembro at tagasuporta ng al-Shabaab, na nagbibigay ng kapakinabangan sa organisasyon sa pinansyal na paraan (hal., mga operasyon ng pagdukot para sa ransom at pagnanakaw ng mga alagang hayop ng mga pastoralista)
– mga ilegal na kalakarang pinansyal ng al-Shabaab (hal., paglilinis ng pera), at mga paglipat ng pagpopondo at materyal ng al-Shabaab sa mga proxy nito na terorista at milisya at mga kasama
Noong Marso 18, 2008, itinalaga ng U.S. Department of State ang al-Shabaab bilang isang Foreign Terrorist Organization (Banyagang Teroristang Organisasyon) sa ilalim ng seksyon 219 ng Immigration and Nationality Act, ayon sa pagkakaamyenda nito. Pagkatapos, noong Marso 19, 2008, itinalaga ng Department of State ang al-Shabaab bilang isang Specially Designated Global Terrorist (Espesyal na Itinalagang Pandaigdigang Terorista) alinsunod sa Executive Order 13224, ayon sa pagkakaamyenda nito. Bilang resulta, ang lahat ng ari-arian, at mga interes sa ari-arian ng al-Shabaab na sumasailalim sa hurisdiksyon ng Estados Unidos ay hinarang, at ang mga mamamayan ng Estados Unidos sa pangkalahatan ay pinagbabawalang makibahagi sa anumang mga transaksyong nauugnay sa al-Shabaab. Isang krimen ang sadyang pagbibigay, o pagtatangka o pakikipagsabwatang magbigay, ng materyal na suporta o mga mapagkukunan sa al-Shabaab.