Ang Rewards for Justice ay naghahandog ng gantimpalang hanggang $10 milyon para sa impormasyong mauuwi sa paggambala sa mga mekanismong pampinansyal ng Hizballah.
Si Nazem Said Ahmad ay ang pangunahing tagalinis ng pera na nakabase sa Lebanon at mahalagang tagapinansya ng Hizballah.
Si Ahmad ang isa sa nangungunang donor, na lumilikom ng mga pondo sa pamamagitan ng matagal nang kaugnayan nito sa kalakal na “blood diamond.”Ginagamit ng Hizballah si Ahmad at ang mga kumpanya nito para maglinis ng malalaking halaga ng pera nakalaan sa mga teroristang grupo. Mula 2016, itinuring si Ahmad bilang pangunahing pinansyal na donor ng Hizballah na naglilinis ng pera sa pamamagitan ng mga kumpanya nito para sa Hizballah at personal na nagbigay ng mga pondo sa Pangkalahatang Kalihim ng Hizballah na si Hasan Nasrallah. Sangkot din si Ahmad sa pagpupuslit ng “blood diamond”at mga dating pinatatakbong negosyo sa Belgium na pinakinabangan ng Hizballah.
Itinatabi ni Ahmad ang ilan sa kanyang personal na pondo sa likhang-sining na may malaking halaga sa paunang pagtatangkang mapahupa ang mga epekto ng mga parusa ng U.S., at nagbukas siya ng galeryang pansining sa Beirut bilang pangharap sa paglilinis ng pera. May malawak na koleksyon ng likhang-sining si Ahmad na nagkakahalaga ng milyun-milyong dolyar, kabilang ang mga gawa ni Pablo Picasso at Andy Warhol, na ang karamihan sa mga ito ay ipinapakita sa kanyang galerya at penthouse sa Beirut. Sa pamamagitan ng maramihang paglipat ng pera at mga ilegal na pinansyal na transaksyon, hinangad ni Ahmad na maprotektahan ang kanyang mga pag-aari mula sa lehitimong pagbubuwis. Sa pagtatago ng kanyang mga nakuha mula sa pamahalaan ng Lebanon sa ilegal na paraan, pinagkaitan ni Ahmad ang pamahalaan at mga mamamayan ng Lebanon ng kailangang-kailangang kita habang nahaharap ang bansa sa malulubhang hamon na pang-ekonomiya.
Noong Disyembre 13, 2019, itinalaga ng U.S. Department of Treasury si Ahmad bilang isang Specially Designated Global Terrorist (Espesyal na Itinalagang Pandaigdigang Terorista) alinsunod sa Executive Order 13224 dahil sa materyal na pagtulong, pagtaguyod, o pagbibigay ng pinansyal, materyal, o panteknolohiyang suporta para sa, o mga gamit o serbisyo sa o bilang pagsuporta sa Hizballah. Bilang resulta ng pagkakatalagang ito, bukod sa iba pang mga konsekwensya, ang lahat ng ari-arian, at mga interes sa ari-arian, ni Ahmad na sumasailalim sa hurisdiksyon ng Estados Unidos ay hinarang, at ang mga mamamayan ng Estados Unidos sa pangkalahatan ay pinagbabawalang makibahagi sa anumang mga transaksyong nauugnay kay Ahmad. Bukod dito, isang krimen ang sadyang pagbibigay, o pagtatangka o pakikipagsabwatan upang magbigay, ng materyal na suporta o mga mapagkukunan sa Hizballah, isang itinalaga ng Estados Unidos na Foreign Terrorist Organization (Banyagang Teroristang Organisasyon).