Ang Rewards for Justice ay naghahandog ng gantimpalang hanggang $5 milyon para sa impormasyon tungkol sa mga network ng pagdukot ng ISIS o para sa impormasyong mauuwi sa paghanap, pagbawi, at pagbabalik ni Maher Mahfouz, Michael Kayyal, Gregorios Ibrahim, Bolous Yazigi, at Paolo Dall’Oglio.
Noong Pebrero 9, 2013, ang paring Griyegong Ortodokso si Maher Mahfouz at ang Armenianong paring Katolikong si Michael Kayyal ay nasa isang pampublikong bus na bumibiyahe patungo sa isang monasteryo sa Kafrun, Syria. Tinatayang 30 kilometro sa labas ng Aleppo, Syria, pinahinto ng mga pinaghihinalaang ekstremista ng ISIS ang sasakyan, siniyasat ang mga dokumento ng mga pasahero, at pagkatapos ay inalis sina Mahfouz at Kayyal sa bus. Hindi na sila nakita o wala nang narinig sa kanila simula noon.
Noong Abril 22, 2013, ang taga-Syria na Ortodoksong Arsobispo na si Gregorios Ibrahim ay naglakbay mula sa Aleppo patungong Turkey upang sunduin ang Griyegong Ortodoksong Arsobispo na si Bolous Yazigi. Sa kanilang pagdating sa checkpoint na malapit sa al-Mansoura, Syria, ilang armadong kalalakihan ang nanambang sa mga arsobispo at kinuha ang kanilang sasakyan. Pagkatapos ay natagpuang patay ang nagmamaneho para sa mga klero. Ang mga arsobispo ay pinaniniwalaang dinukot ng mga taong nakahanay ang paniniwala sa al-Nusra Front, isang kaanib ng al-Qa’ida;ngunit, pagkatapos ay inilipat sa ISIS ang mga arsobispo.
Noong Hulyo 29, 2013, dinukot ng ISIS ang Italyanong Jesuitang Pari na si Paolo Dall’Oglio sa Raqqah, Syria. Pinlano ni Father Dall’Oglio na makipagpulong sa ISIS upang hilingin ang pagpapalaya kina Mahfouz, Kayyal, Ibrahim, at Yazigi. Mula noon ay walang nakakita o nakarinig mula sa kanya.