Ang Rewards for Justice ay naghahandog ng gantimpalang hanggang $10 milyon para sa impormasyong mauuwi sa paggambala sa mga mekanismong pampinansyal ng Hizballah. Si Ibrahim Taher ay isang tagapinansya sa Hizballah na nagpapatakbo sa Guinea. Tinukoy si Taher bilang isa sa mga pinakaprominenteng tagasuporta ng Hizballah sa Guinea. Siya ay pinaniniwalaang nagpapatrabaho sa ilang indibidwal na kaakibat ng Hizballah sa loob ng bansa.
Si Taher at isang kasama nito ay nagpadala ng mga dolyar ng Estados Unidos na kinolekta sa isa sa kanilang mga pangkomersyong pasilidad sa Paliparan ng Conakry at sinuhulan ang mga opisyal ng adwana ng Guinea upang mapahintulutang makapasok ang kanilang perang nasa bagahe. Ginamit ni Taher ang kanyang katayuan bilang Pinarangalang Konsul ng Lebanon sa Cote d’Ivoire upang maiwasan ang pagsisiyasat habang bumibiyahe papasok at palabas ng Guinea.
Nito lamang 2020, isang grupo ng mga negosyanteng Lebanese na nakabase sa Guinea, kabilang si Taher at ang tagapinansya ng Hizballah na si Ali Saade ang lumipad mula Guinea patungong Lebanon sa isang espesyal na paglipad dala ang malaking halaga ng pera. Sinabi ng grupo na ang pera ay pantulong sa sitwasyong COVID-19 sa Lebanon kung kaya nakaiwas ito sa pagsisiyasat. Ginamit na dati bilang pantakip na dahilan ang tulong para sa COVID-19 para sa paglilipat ng mga pondo mula sa Guinea patungong Lebanon para sa Hizballah.
Noong Marso 4, 2022, itinalaga ng U.S. Department of Treasury si Taher bilang isang Specially Designated Global Terrorist (Espesyal na Itinalagang Pandaigdigang Terorista) alinsunod sa Executive Order 13224, ayon sa pagkakaamyenda nito, dahil sa materyal na pagtulong, pagtaguyod, o pagbibigay ng pinansyal, materyal, o panteknolohiyang suporta para sa, o mga gamit o serbisyo sa o bilang pagsuporta sa, Hizballah. Bilang resulta ng pagkakatalagang ito, bukod sa iba pang mga konsekwensya, ang lahat ng ari-arian, at mga interes sa ari-arian, ni Taher na sumasailalim sa hurisdiksyon ng Estados Unidos ay hinarang, at ang mga mamamayan ng Estados Unidos sa pangkalahatan ay pinagbabawalang makibahagi sa anumang mga transaksyong nauugnay kay Taher. Bukod dito, isang krimen ang sadyang pagbibigay, o pagtatangka o pakikipagsabwatan upang magbigay, ng materyal na suporta o mga mapagkukunan sa Hizballah, isang itinalaga ng Estados Unidos na Foreign Terrorist Organization (Banyagang Teroristang Organisasyon).