Ang Hizballah ay isang teroristang grupong nakabase sa Lebanon na tumatanggap ng mga sandata, pagsasanay, at pagpopondo mula sa Iran, na itinalaga ng Kalihim ng Estado bilang Estadong Isponsor ng Terorismo noong 1984. Pinananatili ng Hizballah ang malaking teroristang network at responsable sa maraming malalaking pag-atake. Kabilang sa mga ito ang: mga pagpapatiwakal na pagbomba gamit ang trak noong 1983 sa Embahada ng Estados Unidos sa Beirut at sa Kuwartel ng U.S. Marine Corps sa Beirut; pag-atake noong 1984 sa annex ng Embahada ng Estados Unidos sa Beirut; at pag-hijack noong 1985 sa TWA Flight 847. Naiugnay rin ang Hizballah, kasama ang Iran, sa mga pag-atake noong 1992 sa embahada ng Israel sa Argentina, pati na rin ang pagbomba noong 1994 sa isang Arhentinong Hudyong Mutual Aid Society sa Buenos Aires. Noong 2012, ang mga operatiba ng Hizballah ay nagsagawa ng matagumpay na pag-atakeng pagpapatiwakal na pagbomba sa Bulgaria. Napigilan ng tagapagpatupad ng batas ang mga pagtatangkang teroristang pag-atake at pagbabalak ng Hizballah sa mga bansang gaya ng Azerbaijan, Cyprus, Egypt, Kuwait, Nigeria, Peru, at Thailand.
Noong Oktubre 8, 1997, itinalaga ng U.S. Department of State ang Hizballah bilang isang Foreign Terrorist Organization (Banyagang Teroristang Organisasyon) sa ilalim ng Seksyon 219 ng Immigration and Nationality Act, ayon sa pagkakaamyenda nito. Pagkatapos, noong Oktubre 31, 2001, itinalaga ng U.S. Department of Treasury ang Hizballah bilang isang Specially Designated Global Terrorist (Espesyal na Itinalagang Pandaigdigang Terorista) alinsunod sa Executive Order 13224, ayon sa pagkakaamyenda nito. Bilang resulta, ang lahat ng ari-arian, at mga interes sa ari-arian ng Hizballah na sumasailalim sa hurisdiksyon ng Estados Unidos ay hinarang, at ang mga mamamayan ng Estados Unidos sa pangkalahatan ay pinagbabawalang makibahagi sa anumang mga transaksyong nauugnay sa Hizballah. Isang krimen ang sadyang pagbibigay, o pagtatangka o pakikipagsabwatan upang magbigay, ng materyal na suporta o mga mapagkukunan sa Hizballah.