Ang Rewards for Justice ay naghahandog ng gantimpalang hanggang $10 milyon para sa impormasyong mauuwi sa paggambala sa mga mekanismong pampinansyal ng Hizballah. Si Hasib Muhammad Hadwan na kilala rin bilang si Hajj Zayn, ay isang nakatataas na opisyal sa Pangkalahatang Kalihiman ng Hizballah. Mas mababa ang kanyang posisyon kay Hasan Nasrallah na siyang pangkalahatang kalihim ng Hizballah, at responsable sa paglikom ng mga pondo mula sa mga tagapagbigay at negosyante sa labas ng Lebanon. Bilang bahagi ng kanilang mga tungkulin at responsibilidad sa Hizballah, ginamit ni Hadwan at ng tagapamahala ng kanyang opisina na si Ali al-Sha’ir ang internasyonal na sistema ng pananalapi para maglipat ng pera sa Lebanon, habang ikinukubli ang tunay na dahilan sa likod ng paglikom ng pondo na nagpipinansya sa aktibidad ng teroristang organisasyon.
Noong Setyembre 17, 2021, itinalaga ng U.S. Department of Treasury si Hadwan bilang isang Specially Designated Global Terrorist (Espesyal na Itinalagang Pandaigdigang Terorista) alinsunod sa Executive Order 13224, ayon sa pagkakaamyenda nito. Bilang resulta ng pagkakatalagang ito, bukod sa iba pang mga konsekwensya, ang lahat ng ari-arian, at mga interes sa ari-arian, ni Hadwan na sumasailalim sa hurisdiksyon ng Estados Unidos ay hinarang, at ang mga mamamayan ng Estados Unidos sa pangkalahatan ay pinagbabawalang makibahagi sa anumang mga transaksyong nauugnay kay Hadwan. Bukod dito, isang krimen ang sadyang pagbibigay, o pagtatangka o pakikipagsabwatan upang magbigay, ng materyal na suporta o mga mapagkukunan sa Hizballah, isang itinalaga ng Estados Unidos na Foreign Terrorist Organization (Banyagang Teroristang Organisasyon).