Ang Rewards for Justice ay naghahandog ng gantimpalang hanggang $10 milyon para sa impormasyong mauuwi sa paggambala sa mga mekanismong pampinansyal ng Hizballah. Si Ali Youssef Charara na kilala rin bilang si Ali Youssef Sharara at ‘Ali Yusuf Sharara, ay isang pangunahing tagapinansya ng Hizballah at Tagapangulo at Pangkalahatang Tagapamahala ng kumpanya ng telekomunikasyon na Spectrum Investment Group Holding SAL na nakabase sa Lebanon, isang entidad na pinarurusahan ng U.S. Department of the Treasury. Si Charara ay tumanggap ng milyun-milyong dolyar mula sa Hizballah upang mamuhunan sa mga pangkomersyong proyektong pinansyal na sumusuporta sa teroristang grupo.
Bukod sa pangangasiwa ni Charara sa mga pangkomersyong pamumuhunan sa ngalan ng Hizballah, nagtrabaho rin si Charara sa mga negosyo sa langis sa Iraq. Bukod dito, si Charara ay may malalawak na interes sa negosyo sa industriya ng telekomunikasyon sa West Africa.
Noong Enero 7, 2016, itinalaga ng U.S. Department of Treasury si Charara bilang isang Specially Designated Global Terrorist (Espesyal na Itinalagang Pandaigdigang Terorista) alinsunod sa Executive Order 13224, ayon sa pagkakaamyenda nito. Bilang resulta ng pagkakatalagang ito, bukod sa iba pang mga konsekwensya, ang lahat ng ari-arian, at mga interes sa ari-arian, ni Charara na sumasailalim sa hurisdiksyon ng Estados Unidos ay hinarang, at ang mga mamamayan ng Estados Unidos sa pangkalahatan ay pinagbabawalang makibahagi sa anumang mga transaksyong nauugnay kay Charara. Bukod dito, isang krimen ang sadyang pagbibigay, o pagtatangka o pakikipagsabwatan upang magbigay, ng materyal na suporta o mga mapagkukunan sa Hizballah, isang itinalaga ng Estados Unidos na Foreign Terrorist Organization (Banyagang Teroristang Organisasyon).