Ang Rewards for Justice ay naghahandog ng gantimpalang hanggang $5 milyon para sa impormasyon tungkol kay Ali Sayyid Muhamed Mustafa al-Bakri na kilala rin bilang si Abd al-Aziz al-Masri. Si al-Bakri ay isang miyembro ng konseho ng shura ng al-Qai’da (AQ), ang lupong tagapagpasya ng grupo, at malapit na kasama ng mga lider ng AQ na si Sayf al-Adl. Si Al-Bakri ay dalubhasa sa mga pasabog at sandatang kemikal.
Bago sumali sa AQ, si al-Bakri ay miyembro ng teroristang grupong Egyptian Islamic Jihad sa ilalim ng pamumuno ni al-Zawahiri. Nagsilbi siya bilang instruktor sa mga kampo ng AQ sa Afghanistan, sinanay ang mga teroristang rekrut sa paggamit ng mga pasabog at mga kemikal na sandata. Tinangka rin ni al-Bakri na i-hijack ang pampasaherong eroplanong Pakistani Air noong Disyembre 2000. Siya ay malamang na patuloy na sinasanay ang mga teroristang AQ at iba pang mga ekstremista.
Si al-Bakri ay naninirahan kasama ang kanyang pamilya sa Iran.
Noong Oktubre 3, 2005, itinalaga ng U.S. Department of Treasury si al-Bakri bilang isang Specially Designated Global Terrorist (Espesyal na Itinalagang Pandaigdigang Terorista) alinsunod sa Executive Order 13224, ayon sa pagkakaamyenda nito. Bilang resulta ng pagkakatalagang ito, bukod sa iba pang mga konsekwensya, ang lahat ng ari-arian, at mga interes sa ari-arian, ni al-Bakri na sumasailalim sa hurisdiksyon ng Estados Unidos ay hinarang, at ang mga mamamayan ng Estados Unidos sa pangkalahatan ay pinagbabawalang makibahagi sa anumang mga transaksyong nauugnay kay al-Bakri. Bukod dito, isang krimen ang sadyang pagbibigay, o pagtatangka o pakikipagsabwatan upang magbigay, ng materyal na suporta o mga mapagkukunan sa AQ, isang itinalaga ng Estados Unidos na Foreign Terrorist Organization (Banyagang Teroristang Organisasyon).