Ang Al-Shabaab ay isang kaanib ng al-Qa’ida (AQ) at may kaugnayan sa iba pang mga kaanib ng AQ, kabilang ang AQ in the Arabian Peninsula at AQ in the Islamic Maghreb. Ang Al-Shabaab ay ang militanteng sangay ng dating Somali Islamic Courts Council na sumakop sa mga bahagi ng katimugang Somalia sa huling kalahating bahagi ng 2006. Mula pa noong katapusan ng 2006, ang al-Shabaab at ang mga kaugnay na militia ay naging sangkot sa mararahas na insurhensya gamit ang sandatang gerilya at mga taktikang terorista laban sa mga transisyonal na pamahalaan ng Somalia.
Ang Al-Shabaab ay nagsagawa ng mga pag-atake sa Somalia, Kenya, Uganda, at Djibouti. Ang Al-Shabaab ay responsable sa mga pagpapatiwakal na pagbomba sa Kampala noong Hulyo 11, 2010. Ang pag-atake sa panahon ng World Cup ay pumatay sa 76 na katao, kabilangang mamamayan ng Estados Unidos. Noong Setyembre 2013, nagsagawa ng malaking pag-atake ang al-Shabaab laban sa Westgate Mall sa Nairobi. Ang pananakop nang maraming araw ay nagresulta sa mga kamatayan ng hindi bababa sa 65 sibilyan, pati na rin ang anim na sundalo at opisyal ng pulisya at daan-daang iba pa ay nasugatan. Noong Abril 2015, ang al-Shabaab ay nagsagawa ng paglusob gamit ang maliliit na armas at granada sa Garissa University College sa Kenya na pumatay sa 148 katao.
Noong Marso 18, 2008, itinalaga ng U.S. Department of State ang al-Shabaab bilang isang Foreign Terrorist Organization (Banyagang Teroristang Organisasyon) sa ilalim ng seksyon 219 ng Immigration and Nationality Act, ayon sa pagkakaamyenda nito. Pagkatapos, noong Marso 19, 2008, itinalaga ng Department of State ang al-Shabaab bilang isang Specially Designated Global Terrorist (Espesyal na Itinalagang Pandaigdigang Terorista) alinsunod sa Executive Order 13224, ayon sa pagkakaamyenda nito. Bilang resulta, ang lahat ng ari-arian, at mga interes sa ari-arian ng al-Shabaab na sumasailalim sa hurisdiksyon ng Estados Unidos ay hinarang, at ang mga mamamayan ng Estados Unidos sa pangkalahatan ay pinagbabawalang makibahagi sa anumang mga transaksyong nauugnay sa al-Shabaab. Isang krimen ang sadyang pagbibigay, o pagtatangka o pakikipagsabwatan upang magbigay, ng materyal na suporta o mga mapagkukunan sa al-Shabaab.