Ang Al-Qa’ida in the Arabian Peninsula (AQAP) ay isang ekstremistang grupong nakabase sa Yemen na nabuo noong Enero 2009 pagkatapos ng pagkakaisa ng mga teroristang elementong Yemeni at Saudi. Kabilang sa mga nakasaad na mithiin ng AQAP ang pagtatatag ng caliphate at pagpapatupad ng batas ng Sharia sa Tangway ng Arabia at sa mas malawak na Gitnang Silangan. Pinagtuunan ng AQAP ang mga interes na lokal, ng Estados Unidos, at Kanluranin sa Tangway ng Arabia, pati na rin ang ibang bansa. Inamin ng grupo ang responsibilidad sa maraming gawang terorismo, kabilang ang pag-atake noong Enero 2015 sa mga tanggapan ng satirang pahayagan na Charlie Hebdo sa Paris na pumatay sa 12 katao.
Ang AQAP ay kaanib ng AQ at ang emir ng AQAP ay malapit na nakikipagtulungan sa pamunuan ng AQ para magplano ng mga pag-atake. Ang tagabomba ng AQAP na si al-Asiri ay nagdisenyo ng pagtatangka sa eroplano noong araw ng Pasko noong 2012 gamit ang bomba sa panloob na damit at nagpadala rin ng mga bomba sa printer sa pamamagitan ng koreo ng Estados Unidos.
Noong Enero 19, 2010, itinalaga ng U.S. Department of State ang AQAP bilang isang Foreign Terrorist Organization (Banyagang Teroristang Organisasyon) sa ilalim ng seksyon 219 ng Immigration and Nationality Act, ayon sa pagkakaamyenda nito, at bilang isang Specially Designated Global Terrorist (Espesyal na Itinalagang Pandaigdigang Terorista) alinsunod sa Executive Order 13224, ayon sa pagkakaamyenda nito. Bilang resulta, ang lahat ng ari-arian, at mga interes sa ari-arian ng AQAP na sumasailalim sa hurisdiksyon ng Estados Unidos ay hinarang, at ang mga mamamayan ng Estados Unidos sa pangkalahatan ay pinagbabawalang makibahagi sa anumang mga transaksyong nauugnay sa AQAP. Isang krimen ang sadyang pagbibigay, o pagtatangka o pakikipagsabwatan upang magbigay, ng materyal na suporta o mga mapagkukunan sa AQAP.