Ang Al-Qa‘ida (AQ) ay inorganisa ni Usama bin Ladin noong 1988 kasama ang mga Arabeng lumaban sa Afghanistan laban sa mananakop na puwersang militar ng nabuwag na ngayong Soviet Union. Ang AQ ay nagsusumikap na alisin ang impluwensyang Kanluranin sa mundong Muslim, pabagsakin ang mga pamahalaang “apostata”ng mga bansang Muslim, at magtatag ng isang panlahatang Islamic na caliphate na pinamamahalaan ng sarili nitong interpretasyon sa batas ng sharia na sa huli ay magiging nasa gitna ng panibadong pandaigdigang kaayusan. Ang mga mithiing ito ay nananatiling hindi nagbabago mula pa noong ideklara sa publiko ng grupo noong 1996 ang pakikipaglaban sa Estados Unidos. Dose-dosenang operatibang nasa panggitna at kataas-taasang ranggo ang nawala sa AQ dahil sa mga pagsusumikap na laban sa terorismo, ngunit patuloy na nagrerekrut, nagpaplano, nagdudulot, at nagsasagawa ng mga pag-atake. Ang AQ ay may mga kaanib na organisasyon sa Gitnang Silangan, Africa, at Asya at ang kasalukuyang lakas nito at pangunahing nasa mga kaanib nito.
Ang AQ ay responsable sa maraming malalaking pag-atakeng nagdulot ng maraming kamatayan. Ang AQ ay nagsagawa ng tatlong pagbomba laban sa mga sundalo ng Estados Unidos sa Aden, Yemen noong 1992 at umamin ng responsibilidad sa pagpapabagsak ng mga helikopter ng Estados Unidos at pagpatay sa mga sundalo ng Estados Unidos sa Somalia noong 1993. Ang AQ ay nagsagawa rin ng mga pagbomba noong Agosto 1998 sa mga Embahada ng Estados Unidos sa Nairobi at Dar es Salaam kung saan namatay ang 224 na katao at nasugatan ang mahigit 5,000. Noong Oktubre 2000, ang AQ ay nagsagawa ng pagpapatiwakal na pag-atake sa USS Cole sa daungan ng Aden gamit ang bangkang naglalaman ng mga pasabog kung saan namatay ang 17 marino ng Hukbong-Dagat ng Estados Unidos at nasugatan ang mahigit 30. Noong Setyembre 11, 2001, 19 na miyembro ng AQ ang nag-hijack at nagpabagsak ng apat na pangkomersyong jet ng Estados Unidos – ang dalawa patungong World Trade Center sa Lungsod ng New York, ang isa sa Pentagon, at ang panghuli sa isang bukiriin sa Shanksville, Pennsylvania. Ang mga pag-atake noong 9/11 ay pumatay sa 3,000 katao.
Noong Oktubre 8, 1999, itinalaga ng U.S. Department of State ang AQ bilang isang Foreign Terrorist Organization (Banyagang Teroristang Organisasyon) sa ilalim ng seksyon 219 ng Immigration and Nationality Act, ayon sa pagkakaamyenda nito. Noong Setyembre 23, 2001, ang AQ ay inilista sa Annex ng Execute Order 13224. Bilang resulta ng pagkakatalagang ito, bukod sa iba pang mga konsekwensya, ang lahat ng ari-arian, at mga interes sa ari-arian, ng AQ na sumasailalim sa hurisdiksyon ng Estados Unidos ay hinarang, at ang mga mamamayan ng Estados Unidos sa pangkalahatan ay pinagbabawalang makibahagi sa anumang mga transaksyong nauugnay sa AQ. Bukod dito, isang krimen ang sadyang pagbibigay, o pagtatangka o pakikipagsabwatan upang magbigay, ng materyal na suporta o mga mapagkukunan sa AQ.