Wanted
Impormasyong magdadala sa hustiya kay…

Abubakar Shekau

Hanggang $7 Milyong Gantimpala

Si Abubakar Shekau ang pinuno ng Jama’atu Ahl as-Sunnah il-Da’awati wal-Jihad, na mas kilalang Boko Haram.  Ang Boko Haram, na ang kahulugan ay “Ipinagbabawal ang mga itinuturo ng mga bansang kanluran,” ay isang teroristang organisasyon sa Nigeria na ang layon ay patalsikin ang kasalukuyang pamahalaan ng Nigeria at palitan ito ng isang pamahalaan na binabatay ang mga batas sa mga itinuturo ng Islam. Ang grupong ito ay nasa iba’t ibang klaseng anyo magmula pa noong  mga huling bahagi ng dekada 1990. May mga nireport na pakikipagkomunika, pagsasanay at mga pagpapadala at pagtanggap ng mga sandata sa pagitan ng Boko Haram, al-Qaida in the Lands of the Islamic Maghreb (AQIM), al-Shabaab, at sa al-Qaida sa Arabian Peninsula, na maaaring magpalakas sa kakayahan ng Boko Haram na isagawa ang mga pag-aatakeng terorista.  

Si Shekau ay dating pangalawang pinuno ng grupo. Noong Hulyo 2010, pinahayag ni Shekau sa madla na siya ang pinuno ng Boko Haram at nagbanta siyang aatakihin ang mga interes ng mga Kanlurang bansa sa Nigeria.  Sa huling bahagi ng buwang iyon, nagbigay si Shekau ng pangalawang pahayag tungkol sa kanilang pakikipagkaisa sa al-Qaida at pinagbantaan ang Estados Unidos. Sa ilalim ng pamumuno ni Shekau, lumaganap ang mga kakayahan ng Boko Haram.  

Pinasabog nitong grupo ang kanilang unang improvised explosive device (IED) sa isang sasakyan, noong Hunyo 2011, at parami nang parami ang kanilang paggamit ng mga IED sa mga pag-atake sa mga taong tinatarget na walang proteksyon.  Ang pagbomba ng Boko Haram sa isang sasakyan sa punong-tanggapan ng United Nations sa Abuja, Nigeria noong Agosto 26, 2011, ang nagmarka ng unang mga pag-atake nitong grupo sa mga interes ng mga bansa sa kanluran na nakapatay ng mga tao.  Hindi kumukulang sa 23 tao ang napatay, at 80 pa ang napinsala sa pag-atake. Ang di-umano’y tagapagsalita ng Boko Haram ay sinabing sila ang nag-atake at nangakong meron pang gagawing mga pag-atake sa mga interes ng mga pamahalaan ng U.S. at Nigeria.

Noong Mayo 1, 2012, wala pang isang linggo matapos binomba ng grupo ang isang gusali ng dyaryo sa Nigeria sa Abuja, naglabas ang Boko Haram ng video na pahayag na nagbabanta ng mas maraming pag-atake sa  mga naghahayag ng balita sa Nigeria at sa mga ibang bansa, kabilang ang Voice of America at Sahara Reporters, isang media service na nasa- New York. 

Sa ilalim ng pamumuno ni Shekau, patuloy na tinatarget ng Boko Haram ang mga bata. Noong Abril 14, 2014, kinidnap ng Boko Haram ang halos 300 batang babae mula sa kanilang eskwela sa hilagang Nigeria. Sa isang mensaheng video na inilabas tatlong linggo pagkatapos ng pagkidnap ay pinahayag ni Shekau na sila ang nagkidnap sa mga batang babae. Tinatawag niyang mga alipin ang mga ito, at nagbabanta siya na ibebenta nila sa merkado itong mga batang babae.

Noong Hunyo 21, 2012, si Shekau ay itinalaga ng U.S. Department of State na isang Specially Designated Global Terrorist alinsunod sa Executive Order 13224.